Ngayong buwan ng Agosto, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang Buwan ng wika bilang pagbibigay ng kahalagahan sa ating wika, ang Filipino at ang kontribusyon nito sa ating mga buhay. Ipinapaalala nito na napaka-importante sa isang bansa na magkaroon ng pambansang wika upang lubos na makilala ang yaman ng ating kultura. Pero ano ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika? Paano natin ito maipagmamalaki sa buong mundo ngayong panahon ng globalisasyon? At paano natin ito magagamit upang makamit natin ang pagbabago?
Malinaw na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan na ginagamit
upang maiparating ang mga nasasaloob na ideya at damdamin ng isang tao.
Hindi lamang ito isang paraan ng pakikipag-usap niya sa kapwa kundi
ginagamit din niya upang makipagkaibigan, makipagtalakayan at maibahagi
ang kanyang iba’t ibang opinyon at kaisipan. Sa buong kasaysayan,
maraming mga bagay, sitwasyon at pangyayari na tumutukoy sa kahalagahan
ng wika sa mga tao, sa kanyang kapaligiran at higit lalo na sa kanyang
bansa.